Mula sa malayong ibayo kung saan kami nagta-trabaho, isang malaking tulong ang hatid ng TFC para patuloy na kaming maging updated sa anumang kaganapan sa ating bayan.
Salamat sa TV Patrol na naghahatid ng mga impormasyon na kailangan naming malaman... mga balita at kaganapan na sa halip na magbigay inspirasyon sa tulad kong OFW ay madalas na naghahatid ng kalungkutan. Sapagkat madalang na magkaroon ng magandang balita, sa TV man a mga pahayagan. Hindi ko masisisi ang mga tagapag hatid balita, dahil marahil, wala na ngang magandang pangyayari na maaring isulat.
Ang halos araw araw na aksidente sa motorsiklo, banggaaan sa Commonwealth dahil sa walang ilaw ang mga lansangan o di kaya ay dahil sa MMDA barrier...
Patuloy na pagtaas ng tubig sa Malabon...
flash floods sa ibat ibang lugar...
Illegal recruiters na walang awang nagsasamantala sa mga natamaan ng krisis...
Walang katapusang rally sa Mendiola at Makati... Nakawan, pasabog, patayan.
Noong linggo sa the Buzz... nagsalita na si Vicky Belo sa wakas! pero walang laman... anong sinabi nya? bilib ako kay Tito Boy Abunda, sa pagtityaga sa pakikinig sa mga walang ka kwenta kwentang istorya. Inabangan ko ang interview na un, akala ko, may bago akong maririnig mula sa kanya... ganun din pala.
Malapit ng mabura ang issue ni Hayden Kho. Mawawala na lang nang walang nalulutas sa mga kaso. Patapos na ang palabas, kumita nag dapat kumita, at nalugi na naman ang taong bayan... at ang grupo na tumulong palakihin ang isyu at suporta sa mga "naaapi" at nagmamalasakit... sa huli ay magmumukhang mga tanga lamang! Pinaglaban ang isang bagay na wala ring kinahinatnan. Mga paulit ulit na kwento sa ating bayan...
Matitigil pa nga ba ang gyera sa Mindanao?
Kailan nga ba matatapos ang palitan ng bomba sa panig ng militar at mga rebelde?
Kung ubusan lahi ang labanan, sana'y wag nilang makalimutan na iisang lahi lang ang ating pinagmulan.
Ilang inosenteng tao na naman ang nagbuwis ng buhay kamakailan, para sa mensahe ng kapayapaan o ng patuloy ng patayan? Ano nga ba ang nais nilang ipahiwatig? Mahirap ba talagang ibigay ang kanilang kahilingan na para sa kanila ay kanilang karapatan? Matagal ng isyu, naging lolo na ang lolo ko, ganun pa rin ang eksena sa Mindanao. Parte na ng pang araw araw na buhay ang pagpatay. Ang pag sigaw ng hustisya at paglaban ang ipinagkakait na karapatan.
Ilang pangulo na nga ang dumaan, ilang Edsa na rin ang ating nasaksihan, pero walang pinagbago... ang buhay ng Pilipino ay sing dilim pa rin ng mga eskinita sa Tondo na nagiging piping saksi sa mga katiwalian ng gobyerno.
Ngayon, nakaratay na ang dating Pangulong Corazon Aquino.
Ang ina ng Kalayan...
nakailang coup de etat man sa pamumuno nya, ganun pa rin. Patuloy pa rin ang paglason sa bulok na sistema.
Sayang ang mga pinaglaban ng sambayanang "Edsa."
Ilang eleksyon na, pare-parehong mukha lang ang makikita mo sa kalsada... iniiba lang ang partido, pero pareho pa ring trapo!
Nakakatuwa ang mga gimik ng mga pulitiko... Sabi nga ni Willie sa Wowowee, ibigay nyo na lang diretso sa tao! Tutal mamimili rin naman ng mga boto, idiretso na dapat ang pag abot ng mga ito. Dahil nakakatawa man, sa panahon ng eleksyon, pati ang pambayad sa boto, nabubulsa pa ng iilang tao! Matutuloy na nga ba ang automation sa eleksyon? Sa bilyon bilyong pisong gagastusin sa makinaryang ito, sulit nga ba at magiging malinis na sa wakas ang halalan sa 2010? O malamang, malinis na dayaan!
Ilang araw na lang, uuwi na ako ulit sa Pinas. "
Manila, Manila, I keep coming back to Manila!"
Nag aalala kami sa A(H1N1)... at baka bigla kaming mag positive jan, eh marami na akong naka-sked na lakad!
Nakapagtataka lang ang pag-exaggerate ng sakit na yan... dito, hindi man pinapansin. Dalawa sa kaibigan ko ang nagka-flu kamakailan. Ciempre, inisip namin agad, baka "positive" pero pagtapos saksakan ng gamot sa hospital, tinest at sa loob ng 2 hours, nakalabas na rin. nakuha ang resulta. Dito, totoong ginagawa ang swab test, sa atin, lagnatin lang, positive na!
May isa din kaming kakilala, galing dito, pag uwi sa atin, positive ang findings, pero dito, pagbalik, negative...
Patuloy ang countdown kung ilan na nga ba ang meron jan... parami ng parami! at "alarming" daw ito!
Bakit dito hindi kinakailangang takutin pa ang publiko?
Hindi naman mahirap mahanap ang sagot. Kagabi lang, nasa balita ang paghingi ng dagdag na pondo mula sa gobyerno! Bilyon ang pinag uusapan... para sa AH1nN1. Taking advantage na naman... saan kukunin? uutangin na naman? ilang taon na naman ang katumbas nun para mamalagi pa rin ang mga OFW sa ibang bansa?
Sana, dumating ang araw na magkaroon din ng hiya ang mga namumuno sa ating bansa.
Noong isang gabi, sa pahabol na ulat bago mag tapos ang TV Patrol, inihayag na daw ng Total ang pag taas ng .50 cents sa bawat litro ng kurudo. Bababa ng konti, magdadagdag ng malaki. Hindi nga ba kayang ayusin ang problemang yan? o ayaw lang lutasin dahil sa may mga nakikinabang?
Minsan naiisip ko tuloy, sana ibang lahi na lang ako.
Bakit nga ba pinanganak akong Pilipino?
.
Kung tutuusin, kaya naman eh.
.
Kung galing at talino lang ang pag-uusapan, kaya nating maging mayabang!Pero madalas, nasasayang lang ang ating mga pinaghihirapan... dahil sa mga nagaganap sa ating bayan!
.
Tuwing nananalo si Pacman, ang sarap ng pakiramdam, kasi dala nya ang karangalan. Pero di naman araw araw siyang may laban.Mas madalas pa rin, nandoon ang kahihiyan.
.
Pag may nagtatanong sa akin kung ano ang maganda sa Pilipinas, dati sinasabi ko lahat... lahat maganda.
Kaya lang ang susunod na tanong, bakit ka umalis? Oo nga naman, kung maganda, bakit kailangan pang iwanan? At siyempre, nakakahiya, pero kailangang ipaliwanag na naghihirap ang bayan dahil sa mga buwayang kawatan!
Naghihirap ang bayan dahil may mga sakim sa kapangyarihan at yaman.