Sa Paghupa

Sa kasalukuyan: umabot na sa 246 ang bilang ng nasawi sa trahedya; 1.9M katao sa kabuan ang apektado ng pagsalanta ni Ondoy at nsa 4.69B na ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa baha.


Ngayon, walang mayaman, walang mahirap.

Kapwa nilamon ng delubyo ang kongretong bahay at ang yari sa pawid... may gate ka man o natatabingan lang ng lawanit...
Kotse at padjak, sabay na lumulutang...
Pare-parehong kumakalam ang tiyan... Sabay na nananangis ng saklolo...

Pang-apat na araw makalipas ang trahedyang humampas sa ating bayan...
Lalong nagliwanag ang larawan ng paghihirap... lalong lumakas ang hagulgol ng mga biktima...
Sa paghupa ng tubig sa bawat kalsada, bumubungad ang pinsalang dala ni Ondoy...

Umaalingasaw ang amoy ng mga bangkay ng mga buhay na kasamang naanod sa bahang dala nito.
Mga bahay na wasak, gamit na nakasabit sa kable ng kuryente, damit na binalot ng putik, mga librong punit...
Lahat nalimas... nalubog na sasakyan... gumuhong pader... nilipad na bubong.
May hihigit pa ba sa sakit at hirap na dinaranas nila ngayon?


Gutom. Puyat. Pagod. kaya yan! mapag-tiis ang mga pinoy...
Hindi iindahin ang kalam ng sikmura, ang hilo dahil sa antok at ang panghihina dahil sa pagod...
Kinakaya ang sakit sa pagkawala ng mga mahal sa buhay... kailangang ipagpatuloy ang laban para sa mga natira...
Kumakapit sa konting pag-asang minsang nagkubli sa dilim.

Sa pagdating ng mga tulong... sa pagbukas ng pintuan ng mga tahanan para sa walang masilungan...
Sa bayanihan na nangingibabaw ngayon sa ating bayan... patuloy itong nagbibigay liwanag sa gitna ng madilim na hinaharap...
Lahat ay patuloy na nananaghoy, nananalangin na sana ay makayanan ang hirap ng pagsisimulang muli...

Hindi mahalaga kung gaano katagal bago maibalik ang lahat...
higit na importante ang katatagan... ang patuloy na pagyakap sa pag-asa at ang pananampalataya na hindi kailanman tayo pababayaan ng Panginoong Diyos, at hindi tayo mag-iisa! :)


__________________
*all photos-from the net*


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...